Magiging inspirasyon ng Blue Eagles sa kanilang pang-alas-4 ng hapong sultada ng Tamaraws ang naitalang 63-61 panalo sa mga kamay ng Adamson U Falcons noong nakaraang Huwebes upang duplikahin ang naunang 67-64 tagumpay nang una silang magharap ng Morayta-based cagers sa first round.
Siguradong gagawa na ng paraan ang Tamaraws upang mawakasan na ang kanilang apat na sunod na talo na humila sa kanila sa pakikipagtabla sa UE Warriors sa ikaapat na puwesto sanhi ng 5-5 karta.
Sa isa pang senior match, mag-uunahan ang UST Tigers at UP Maroons sa pagsikwat ng mahalagang panalo sa kanilang nakatakdang banatan sa alas-2 ng hapon upang mapalakas ang kanilang tsansa sa Final Four.
Kailangan ng Uste na manalo ngayon upang mapaganda ang kanilang 4-6 kartada, habang nag-iingat naman ang Maroons ng 3-7 record.
At sa nag-iisang junior games, haharapin ng UST Tiger Cubs ang State University sa alas-11:30 ng tanghali.
Samantala, binigyan ng leksiyon ng Asian Basketball Academy (ABA) Phils., ang tournament director ngayong taong UAAP basketball games ang mga siga sa basketball court sa nakalipas na laro.
Sinuspindi ng ABA sina head coaches Joe Lipa ng Ateneo, Boysie Zamar ng UE at Luigi Trillo ng Adamson at ang mga manlalarong sina Enrico Villanueva ng Ateneo at Steven Rolan ng Adamson ng tig-isang laro na epektibo simula ngayon.
Pinatawan si Lipa sanhi ng paghahagis nito ng silya sa loob ng court sa second quarter ng kanilang laban ng Adamson na pinagwagian ng Ateneo sa iskor na 63-61 noong nakaraang Sabado sa Loyola Gym. Ang silya ay muntik ng tumama sa referee na si George Gonzales at sa manlalaro ng Adamson na si Edilberto Mangulabnan.
Ilang minuto matapos ang paghahagis ni Lipa ng silya, sinuntok naman ni Villanueva ang mukha ni Rolan habang nakikipag-agawan sa rebounds dahilan upang magkaroon ng komosyon ang dalawang manlalaro.