Philab bagsak sa Tanauan

Kumana si Terence Vispo ng lone-hit job sa seven inning upang pamunuan ang Tanauan na pabagsakin ang Philab, 6-1 habang na-sweep naman ng Tot Baseball Selection ang kanilang first round sa pamamagitan ng walk-over noong Linggo sa pagpapatuloy ng PABA Triple-A tournament sa Rizal Ballpark.

Bukod sa one-hitter, pinatalsik din ni Vispo ang pitong batters dahilan upang maka-iskor ng isang run sa second frame, bago sinundan ng apat tungo sa kanilang panalo

Kinumpleto ng catcher na si Jessie Natanauan ang pananalasa ng Tanauan nang kumana naman ito ng dalawang runs upang ihatid ang Batangueño boys sa kanilang ikatlong sunod na panalo, ikalima sa kabuuan matapos ang isang talo sa seven-team, 18-under cast tournament na ito.

Hindi na kinailangan pang pagpawisan ng Tot Baseball at ILLAM para maitala ang kanilang panalo matapos na ma-default ang Pasig Rizal High sa kanilang dalawang nakatakdang laro bunga ng pitong players lamang ang dumating.

Sapat na ang walk-over na panalo ng Tot Baseball squad upang mapanatiling malinis ang kanilang record sa 6-0, habang nagposte naman ang ILLAM ng 4-2 record.

Samantala, magbabalik ang aksiyon sa regular Presidential Cup at 18-under Triple-A sa Sabado kung saan tampok ang panibagong triple bill kung saan ang top four sa dalawang divisions ang uusad sa semifinal round.

Show comments