Mangubat kay Tuñacao'Sa lona na lang tayo mag-usap'

"Sa lona na lang kami mag-usap."

Ito ang binitiwang salita ni World Boxing Council (WBC) International flyweight champion Randy Mangubat na nakatakdang humarap kay dating WBC flyweight champion Malcolm Tuñacao sa nalalapit na "triple WBC International Championships" sa Casino Filipino-Parañaque sa Hulyo 28 (Sabado).

Ang naturang triple championships bouts na tinaguriang "Fist of Fury sa Casino-Parañaque" ay inihandog ng kilalang boxing international promoter Gabriel "Bebot" Elorde Jr., ang anak ng yumaong boxing great na si "Flash" Elorde.

"Matinding ensayo ang ginagawa ngayon ni Mangubat dahil alam niyang dating kampeon ang kanyang makakaharap. Tiyak na magiging balikatan ang laban ng dalawa," pahayag ni Elorde.

Matutunghayan din sa madugong bakbakan ang sagupaan nina Juanito Rubillar at Japanese challenger Takehiko Mizuno. Hawak ni Rubillar ang WBC lightweight crown kung saan ay idedepensa nito sa ikalawang pagkakataon ang kanyang korona.

Tatapatan naman ni WBC International bantamweight champion Ricky Gayamo ang RP bantamweight titlist na si Abner Cordero.

"Gusto kong mapalaban muli sa world title, kaya napakahalaga sa akin na mapanatili ang kasalukuyang titulo," pahayag ng 24-anyos na si Rubillar.

Ang 12-round triple treat championship ay sinusuportahan ng Thun-derbird at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Maipapalit naman ng boxing fans ang kanilang ticket sa concierge section ng Casino Filipino-Parañaque para sa kanilang bonus bet certificate. Para sa karagdagang detalye, mangyaring tumawag sa telepono bilang 8257229.

Show comments