Nakatakda ang paghaharap ng Knights at Slashers sa huling laro dakong alas-5:30 ng hapon matapos ang upakan sa pagitan ng Laguna Lakers at Cebu Gems sa alas-3 na dadako naman sa Cebu City Coliseum.
Siguradong umuusok sa galit na paparada ang Knights sa hardcourt upang maipaghiganti ang kanilang nalasap na 108-97 pagkatalo sa mga kamay ng Socsargen Marlins noong Biyernes ng gabi na siyang dahilan upang malaglag ang San Juan sa pakikisosyo sa liderato.
Ngunit nakahanda naman ang Slashers sa kanilang inaasahang mahigpit na hamong ilulunsad ng Knights upang pagandahin ang kanilang impresibong 7-2 win-loss slate at manatiling nagsosolo sa unahan ng standings.
Hindi rin nakakasiguro ang Knights sa kanilang laban ngayon dahil sa kanilang personal na record, talunan ang tropa ni coach Philip Cezar sa Slashers para sa korona noong nakaraang taon.
Pero kung makapaglalaro na ngayon si Rafi Reavis sa Knights, tiyak na mahihirapan ang Slashers dahil siguradong gagawa ng eksplosibong opensa ang 68 na si Reavis na di nakalaro sa huling tatlong games sanhi ng kanyang pananakit ng likuran upang ihatid ang kanyang koponan sa panalo.
Bukod kay Reavis, kakayod rin ng todo sina Omanzie Rodriguez, Ferdinand Rodriguez at Gilbert Castillo upang tapatan sina John Ferriols, Reynel Hugnatan, Leo Batog at Cid White.
Samantala, nais ng Gems na makabawi sa kanilang nalasap na 100-95 pagkatalo sa mga kamay ng Lakers ng una silang magharap.