Ang 29-anyos na si Ledwaba ay isang bihasang ring technician na mayroong impresibong ring record na 33-1-1 na tinampukan ng 22 knockouts. Ito ang kanyang ika-anim na pagdedepensa ng kanyang korona na napagwagian dalawang taon na ang nakakaraan.
Nagbigay ng prediksiyon ang promoter ni Lebwaba na si Rodney Berman na mananalo ang South African pug na kilala bilang "Hands of Stone" dahil sa kanyang mahusay na pagpapatama ng suntok sa katawan sa pamamagitan ng eight round knockout.
Gayunman, sinabi naman ng 22-anyos na si Pacquiao na hindi siya umaasa na aabutin ang laban ng ika-anim na round at di rin siya umaasa na matatalo.
Ayon kay Pacquiao, isang pressure ang ibibigay niya kay Lebwaba sa pamamagitan ng delikado ngunit mabagal na panimula sa unang pagtunog pa lamang ng bell bago tuluyang dalhin ang laban sa tunay na giyera.
Ang dalawang fighters ay magaan na nakapasa sa itinakdang 122-pounds limit sa pagtitimbang kahapon sa kanilang bigat na 121 kay Pacquiao at 122 kay Ledwaba.
Itinalaga ni IBF President Hiawatha Knight ang beteranong si Joe Cortez, 57, na maging referee ng laban at ang mga hurado ay sina Bill Graham, 85, Jerry Roth, 60 at Deborah Barnes, 46.
Gagamitin ang IBF rules na walang tatlong knockdown rule, walang standing eight-count, walang fighter na maa-aring isalba ng bell sa kahit na anong round, walang idedeklarang contest kung hindi matatapos ng isang fighter ang laban bunga ng accidental headbutt sa loob ng apat na rounds ngunit ang technical decision ay iga-gawad sa fighter na lamang sa puntos matapos ang apat na rounds.
Para kay Pacquiao, ang pakikipaglaban para sa world title sa Las Vegas ay isang kaganapan ng kanyang pangarap ngunit hindi ito nalulula sa kanyang kinaroroonan ngayon dahil si Pacquiao ay isa na ring celebrity.
Ang laban ay ipapa-labas sa pay-per-view TV sa U.S. bilang Stateside debut ni Pacquiao na may record na 32 panalo at 2 talo kabilang ang 23 knockouts.
Si Pacquiao, manager na si Marty Elorde, business agent Rod Nazario ay umalis ng Manila patungo dito sa U.S. noong Mayo 17. Naunang nanatili sa San Francisco bago tumulak sa Los Angeles noong June 2 bago dumating dito noong Martes.
At ng nasa Los Angeles, isinaayos ni Nazario ang training ni Pacquiao sa Freddie Roachs Wild kung saan si Pacquiao ay nakipag-sparr ng 47 rounds upang paghandaan ang kanilang laban ni Ledwaba.