Umaasa si coach Leo Austria na mapapalakas ang karakter at kumpiyansa na naging susi ng Power Booster sa pagkopo ng titulo kontra sa mahigpit nilang karibal na Welcoat Paints sa PBL Challenge Cup.
"It was a new found inner strenght for us, and we have to strenghten it more. The challenge is, siguradong gusto kaming balikan ng Welcoat or any other team wants to take a shot at the crown," ani Leo Austria.
Tatlo mula sa kanyang championship lineup ang umusad sa mas malakas na liga. Ang Finals MVP na si Roger Yap ay nasa Purefoods sa PBA, Egay Echavez sa Socsargen Marlins sa MBA at Erwin Velez naman sa Pharma Quick.
Ngunit naniniwala si Austria na sina Topex Robinson at Warren Ybañez ay epektibong mapapamahalaan ang gawain sa backcourt at pinapirma si Jun Balares bilang No. 3 guard ng Power Boosters habang sina Gerard Ortega, Rico Limare at Bong Salvador ang magpapalitan sa binakanteng lugar ni Erwin Velez.
Gayunpaman, sasandal pa rin siya sa kanyang mga dating sundalo na sina Chester Tolomia, Gilbert Malabanan, Irvin Sotto at Rysal Castro.
Kukumpleto naman sa lineup ng koponan sina Kenneth Gumpenberger, Jing Rodriguez at Carlos Garcia.
Hanggang sa kasalukuyang pina-finalize pa ni Austria ang kanyang lineup at nakikipag-negosasyon sa pagkuha sa dating Pasig Pirate na si Jay Magat.