Ayon sa promoter na si Bebot Elorde Jr., kanilang ipa-finalize ang pag-uusap hinggil sa naturang bout sa pagdating sa Huwebes ni Gov. Piñol sa Manila.
"We will finalize the agreement on Thursday upon Gov. Piñols arrival in Manila," pahayag ni Elorde.
Nakatakdang idepensa ni Manny Pacquiao ang kanyang World Boxing Council (WBC) International superbantamweight crown kontra sa impresibong Thai boxer na si Wethya Sakmuangklang.
At dahil sa batid na mayroong impresibong ring record si Sakmuangklang, nagsimula na si Pacquiao na sumailalim sa malalim na training upang paghandaan ang kanyang ikalimang pagdedepensa ng korona.
"Mahirap na. Ayokong magpabaya," wika ng boksingerong mula sa General Santos City. Maganda ang record niya, pero hindi ko siya uurungan," dagdag pa ni Pacquiao.
Bukod kay Pacquiao, lalaban din ang magkapatid na Rubillar--sina Juanito at Ernesto para idepensa rin ang kani-kanilang mga titulo.
Makikipagbasagan ng mukha si Juanito Rubillar kontra Fahsang Paw Pongsawang para sa WBC Intl lightflyweight championship, habang ang kanyang nakakabatang kapatid na si Ernesto ay makikipagsagupa naman kontra kay Surachai Saengmorokot para sa WBC Intl minimumweight crown.