CAR nagpasiklab sa National Games of Special Olympics Phils.

BAGUIO CITY--Agad na nagpasiklab ang lahok ng CAR (Cordillera Autonomous Region) sa kasalukuyang National Games of Special Olympics Philippines dito nang humakot ng apat na ginto sa athletics at dalawa naman sa bowling noong Huwebes.

Nagrolyo si Alex Langgato ng 498 pins upang ibulsa ang boys’ singles gold sa bowling kontra sa teammate na si Alexander Rico (466) at Iloilo/Bacolod’s Archie Aurelio (379).

Bago nakipagtambal si Langgato kay Rico upang dominahin naman ang doubles event sa kanilang 888. kanilang tinalo ang Iloilo/Bacolod’s Aurelio at Ronin Talaboc (791) at Santos Jayson Brocog at Trecy Barreto ng Davao/General (623).

Ang iba pang gold medalist sa bowling ay sina Cheryl Aviola at Susan Perez ng Davao/GenSan (593) sa girls doubles at Catherine Uy (377) ng NCR sa girls’ singles.

Ang mga nanalo naman sa CAR’s sa athletics events ay sina Amagouor Camarillo na nanguna sa boys’ running long jump para sa boys’ 14-years old and above sa kanyang 4.96-meters; Constancio Guilod, running long jump (13 and below), 4.81-m; Chrislyn Anote, girls 100-m dash, 15.42 segundo at 4x50-m dash, 35.79 segundo.

Humakot naman ang Gen-San ng tatlong ginto, habang nanguna ang NCR 5 sa volleyball event, habang ang Davao ang siyang nahirang na kampeon sa soccer sa games na ito na nagtampok sa 500 may kapansanang mga batang lalaki at babae.

Show comments