Sa paglagda ng naturang batas, nagpahayag ng kumpiyansa si Cebu City Rep. Eduardo Gullas na ito ang magiging dahilan upang magpamalas ang mga atleta na higit pang mapaganda ang kani-kanilang performance sa mga international competitions.
"We are also optimistic the measure will encourage young people to indulge in sports and eventually bring honor and glory to the country," wika ni Gullas, vice president ng Basketball Association of the Philippines.
Sa nasabing measures, pagkakalooban ang Olympic gold medalists sa individual events ng P5 million; P2.5 million sa silver medalists at P1M naman sa bronze medalists.
Ang gold medalist sa Asian Games ay bibigyan ng cash bonuses na P1M, silver medalists P500,000 at P100,000 naman sa bronze medalists.
Tumataginting na P100,000 sa Southeast Asian Games ang makakakuha ng ginto, P50,000 sa silver at P10,000 sa bronze medalists.
At sa team events, ang koponan na makakapag-uuwi ng ginto ay makakakuha rin ng parehas na insentibo gaya ng individual medal winners at ito ang kanilang paghahatihatian.
Kabilang din sa pagkakalooban ng insentibo ang mga coaches ng medal winners na katumbas ng 50% ng matatanggap na premyo ng kani-kanilang atleta.
Kasama rin sa nasabing measure ang one-time gratuity sa gold medalist sa mga nakaraang Olympic Games at World Championships, simula noong 1950 at maging mga kompetisyon na ginanap sa muling pagsususog ng nasabing bill para sa pagsasabatas nito.
Makakakuha rin ang mga atleta na nanalo ng ginto sa iba pang kompetisyon na may continental o kayay world impact na nilahukan ng hindi bababa sa 30 bansa ng insentibo na nagkakahalaga ng mula P50,000 hanggang P2.5 million.
Kukunin ang pondo para sa mga cash awards mula sa kita ng pagpapatakbo ng Philippine Amusement and Gaming Corp., ayon ay Gullas na siyang co-author ng nabanggit na measure.