2 titulo ibinulsa nina Arevalo at Zoleta

Humakot ng tig-dalawang titulo sina top seeds Czarina Mae Arevalo at Bien Zoleta sa kani-kanilang division sa pagsasara kahapon ng 12th Andrada Cup Age Group Championship sa Rizal Memorial Tennis Center.

Kinoronahan ni Arevalo ang kanyang sarili sa girsl’ 18-under category nang kanyang hiyain si Bernardine Sepulveda, 6-1, 6-1, bago sinungkit ang korona sa 16-under class matapos na sibakin ang nasabi ring kalaban sa iskor na 6-3, 6-0.

Sa kabila nito, iginupo ni Zoleta si Ivy de Castro ng Miriam College, 7-6 (7), 6-0 para sa korona ng 14-under plum.

Si Zoleta rin ang hinirang na kampeon matapos na sukbitin ang 12-under title makaraang patalsikin ang kanyang nakababatang kapatid na si Bambi na nag-withdraw sanhi ng injury.

Nakisosyo sa karangalan nina Arevalo at Zoleta ang magkapatid na Guba, sina Johan at Yannick, Michael Basco, Pablo Olivarez II at ang balikbayan na si Florante Sarmiento Jr.

Walang hirap na naibulsa ng second-rank na si Johan ang korona sa 18-under division matapos na hindi sumipot ang kalabang si Joseph Victorino.

Itinala naman ni Yannick ang 6-2, 7-6 (1) pamamayani kontra No. 3 Irwin de Guzman para sa korona ng 16-under class ng tournament na ito na suportado ng PSC, Viva Mineral Water at Nassau ball.

Kinailangan naman ni Basco, seeded fourth ng deciding set bago niya napayukod si Jandrick de Castro, 4-6, 6-2, 7-5 at hablutin ang korona sa boys’ 14-under division, habang nadomina naman ng No. 2 na si Olivarez ang boys’ 12-under ca-tegory matapos na gulantangin ang No. 1 na si Raymond Villareta, 7-6 (3), 6-4 at naghari naman si Sarmiento sa unisex-10 under matapos na talunin si Patrick Arevalo, 6-2, 6-0.

Show comments