Delasin, hinirang na PSA 'Athlete of the Year'

Ang golfer na si Dorothy Delasin, ang pinakabatang manlalaro na nanalo ng LPGA event sa nakalipas na 25-taon ang nanalo ng prestihiyosong PSA Athlete of the Year sa pamamagitan ng unanimous decision kung saan ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang Filipino-American talent ang pagkakalooban ng natu-rang award ng pinakamatanda ng sportswriting organization sa bansa.

Nakatakdang dumating sa bansa si Delasin, nanguna sa kampanya ng Philippine team ng tatlong ulit, kabilang ang 1997 Southeast Asian games sa Jakarta kung saan napagwagian niya ang individual gold sa Enero 17 upang personal na tanggapin ang nasabing prestihiyosong award.

Ang nasabing PSA Awards Night ay hatid ng Red Bull at Agfa na may suporta naman mula sa McDonald’s ay nakatakdang idaos sa Enero 18 sa Holiday Inn Pavillion. Walang iba kundi ang Pangulong Joseph Estrada ang inanyayahang maging panauhing pandangal at siyang magga-gawad ng nasabing karangalan sa napiling PSA top athlete.

Tinalo ni Delasin ang boxer na si Malcolm Tuñacao, ang nalalabing World Boxing Council (WBC) flyweight champion ng bansa.

Napanalunan ni Delasin ang Giant Eagle Classic noong Hulyo na siyang nagluklok sa kanya bilang pinakabatang nagwagi ng LPGA event matapos ni LPGA Tour Hall of Famer Amy Alcott na namayani naman sa Orange Blossom Classic noong 1975 ay nakatakdang samahan ng kanyang ama na si Sonny, ina na si Salfe at kapatid na si Divina at Dodessa at kapatid na lalaking si Arsenio Jr.

Nakatakda rin siyang maging kauna-unahang Fil-Am na tatanggap ng Louise Suggs Trophy matapos ang kanyang tagumpay sa Rolex Rookie of the Year award sa Florida sa Enero 8.

Si Delasin na ipinanganak sa Lubbuck, Texas at lumaki sa Daly City, California ay manggagaling mula sa kickoff leg ngayong taong LPGA Tour sa Orlando, Florida sa JC Penney Afterschool Open na nakatakda naman sa Enero 12-14.

Bukod sa kanyang paglahok sa SEA Games squad, pinangunahan din ni Delasin ang RP team sa 1996 World Amateurs sa Sta. Elena at sumagupa rin ito sa 1998 Bangkok Asian Games at nakatulong siya sa koponan sa pagsungkit ng bronze medal.

Show comments