Grade 10, nang-asar todas sa binatilyo

Sinaksak ng icepick
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 15-anyos na Grade 10 student nang pagsasaksakin ng icepick ng kapwa niya binatilyo na inasar umano nito naganap sa Barangay 2, Calamba City, Laguna, kamakailan.
Ang nasawing biktima na nagtamo ng mga saksak ng ice pick sa dibdib at likurang bahagi ng katawan ay kinilalang si John Paul Morada. Habang ang suspek ay 15-anyos at isang out of school youth.
Sa ulat ni Calamba City Police Chief P/Lt. Andrew Cyruz Parafina, alas-10:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa harapan ng isang tindahan sa lugar.
Sa imbestigasyon, napikon umano ang suspect sa panunukso o pang-aasar ng biktima na hindi na ito probinsiyano dahil nagsimba na ito sa Maynila at isa nang batang lungsod.
Napikon ang suspect at nang akmang susugurin ang biktima ay naawat ito dalawang menor-de-edad.
Matapos na maawat ay aalis na sana ang suspect pero ang insidente ay nasaksihan ng ama nito at pinagsabihan ang mga menor-de-edad na pinagtulungan ang kaniyang anak kaya nagkalakas ng loob ang suspect na pagsasaksakin ang biktima gamit ang icepick.
Tumakas naman ang suspect kasama ang kaniyang ama matapos ang krimen at kinabukasan ay isinuko na ito ng ama.
Inireklamo ng homicide ang binatilyo at maging ang kanyang ama dahil sa umano’y naging papel nito sa krimen.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang binatilyong itinuturong nanaksak bilang child in conflict with the law.
- Latest



















