6K pulis ikakalat sa Metro Manila sa 2-day transport strike
MANILA, Philippines – Nasa 6,000 pulis ang ikinalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa dalawang araw na transport strike ng grupong Manibela, ngayong Lunes at bukas, upang matiyak kaligtasan ng mga commuter at maayos na daloy ng trapiko.
Ang 2-day transport strike ay pagtutol sa pagtatanggal kay Land Transportation Office (LTO) chief Markus Lacanilao.
Ayon sa NCRPO, paiiralin ang high-visibility deployment sa mga pangunahing lansangan, terminal, checkpoint at iba pang matataong lugar katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na pamahalaan at emergency medical teams.
Kabilang sa mga itatalaga ang 1,264 pulis sa checkpoints at border control, 976 miyembro ng Reactionary Standby Support Force (RSSF), 904 foot patrol, 744 mobile patrol, 660 motorcycle patrol at 400 Civil Disturbance Management (CDM) personnel.
Mayroon ding 696 pulis na nakareserba, 450 na aalalay sa trapiko at drone monitoring, at 359 na itatalaga sa mga kritikal na lugar. Maglalagay rin ng ambulansya, medical responders at tow truck sa mga pangunahing interseksyon upang agad na makatugon sa mga emergency.
Inatasan ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance sa mga kalahok sa protesta habang tinitiyak ang proteksiyon ng mga commuter at tsuper na hindi sasama sa tigil-pasada.
Magbibigay rin ang NCRPO ng libreng sakay gamit ang police trucks, bus at van sa Baclaran sa hangganan ng Parañaque at Pasay, Paco at Nagtahan sa Maynila, Caruncho Avenue sa Pasig at South Caloocan. Ilalabas sa opisyal na social media pages ng NCRPO at mga police district ang mga detalye ng sakayan at iskedyul.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, dapat manatili si Lacanilao sa puwesto lalo na at marami pang dapat na ayusin sa LTO.
Nabatid na bukod sa tigil-pasada, plano ng grupo ng Manibela na magmartsa mula Agham Road kanto ng East Avenue patungo sa LTO Central Office, ganap na alas-7:00 ng umaga ngayong Lunes.
- Latest

















