NCRPO sisilipin kasabwat sa serye ng robbery sa Caloocan
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung may iba pang pulis na kasabwat ng anim na tauhan ng pulisya na nasangkot sa robbery-holdup sa Caloocan City noong Nobyembre 16.
Iniutos ni NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano ang pagpapalawak ng imbestigasyon upang matukoy kung sangkot din ang grupo sa iba pang robbery at kung may mga pulis na tumulong o nagbigay-proteksiyon sa kanilang mga ilegal na gawain.
Tiniyak ni Abrahano na walang sinumang palalampasin sa imbestigasyon, anuman ang ranggo, posisyon o pagkakatalaga sa serbisyo. Hindi dapat nasasangkot sa anumang krimen ang mga pulis na siyang dapat na nagpapatupad ng batas.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente nang makipagkita ang isang pulis na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group at isang negosyante sa mga suspek para sa transaksiyon sa alahas na nagkakahalaga ng P700,000 sa isang convenience store sa Brgy. 87, East Grace Park.
Tatlong armadong suspek umano ang lumapit sa mga biktima, tinutukan sila ng baril at tinangay ang kanilang motorsiklo, tatlong cellphone at alahas bago sila sapilitang isinakay sa isang sasakyan at iniwan sa Diliman, Quezon City.
Isang police major na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naaresto sa follow-up operation kaugnay ng insidente. Patuloy namang inaalam ng NCRPO kung may iba pang pulis na sangkot sa grupo at sa mga nauna nitong krimen.
- Latest
















