13 bata nalason sa pagkain ng tuba-tuba
Ginaya ang napanood sa YouTube…
MANILA, Philippines — Naratay sa pagamutan ang 13 bata nang sila ay malason sa kinaing bunga ng tuba-tuba sa Brgy. Topland, Koranadal City nitong Lunes ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga bata ay nagkatuwang kainin ang bunga ng tuba-tuba na umano’y lasang mani matapos na maispatan ang mga hitik na bunga ng puno nito.
Gayunman, ilang oras matapos kainin ang bunga ng tuba-tuba ay dumaing ng pamamanhid ng katawan, pagsusuka, pananakit ng ulo at pagtatae ang mga bata.
Nabatid na bago ito ay nanood umano ng YouTube channel ang mga bata kung saan may itinampok dito na may mga taong kumakain ng tuba-tuba kaya ginaya ito ng naturang mga bata.
Ilang sa mga bata ay pinauwi na sa kanilang mga tahanan nitong Lunes ng umaga habang ang iba pa ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Pinayuhan naman ng pamahalaang lungsod ang mga magulang at mga guardian na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa kanilang mga pinapanood sa social media.
Ang bunga ng tuba-tuba ay may taglay na toxin na nakalalason.
- Latest
















