13 katao kinasuhan sa P491.9 million right of way scam
MANILA, Philippines — Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng 36 na kasong kriminal laban sa anim na tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pitong pribadong indibidwal kaugnay ng umano’y iregularidad sa P491.9 milyong bayad sa road right-of-way sa General Santos City.
Kabilang sa mga kaso ang 18 bilang ng malversation of public funds through falsification of public documents at 18 bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.
Kabilang sa mga respondent ang dating DPWH Region 12 director na si Subair Saro Diron at dating assistant regional director na si Laureano Suan Jr.
Nag-ugat ang kaso sa bayad para sa 18 parsela ng lupa sa Barangay Lagao na naapektuhan ng konstraksyon ng Digos-Makar National Road.
Ayon sa Ombudsman, umabot sa P491.9 milyon ang kabuuang kompensasyon na umano’y ibinatay sa mga pekeng dokumento at kaduda-dudang appraisal rate.
Samantala, iniutos din ng Ombudsman ang pagtanggal sa serbisyo ni Ansare Mariga Busran, dating legal officer ng DPWH Region 12, sa hiwalay na kasong administratibo.
- Latest



















