‘Bill deposit’ sa kuryente maging makatao sa pagsingil – Tulfo
MANILA, Philippines — Hindi makatarungan para sa mga konsyumer na wala man lang kamalay-malay na lumobo na pala ang singil sa kanila sa kuryente.
Ito ang naging pahayag ni Senate Committee on Energy Chairman Senator Erwin Tulfo bilang pagtugon sa sunud-sunod na reklamo ng mga konsyumer na nabigla sa pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente dahil sa bill deposit.
Sa kabila ng pagpapaliban ng MERALCO sa pagpapataw ng naturang bill deposit, binigyang-diin ni Tulfo na hindi malinaw kung paano ito lumabas sa mga electric bill ng mga konsyumer.
Ang isyu ng bill deposits ay inihayag ng mga konsyumer sa loob at labas ng social media kung saan ang iba ay nagbahagi na halos 100 porsyento ang itinaas sa kanilang singil sa kuryente.
Bagama’t kinikilala ni Tulfo na pinahihintulutan ng batas ang mga power distribution utility na mangolekta ng bill deposits, iginiit niya na ayon din ng parehong batas, may karapatan ang mga Pilipino sa mas malinaw at transparent na pagsingil.
“Sa gitna ng kawalan ng kasiguraduhan dahil sa super El Ni ño, lalo na pagdating sa bulsa ng mga pamilyang Pilipino,pakiusap, maging makatao kayo at huwag nang magpataw ng mga karagdagang bayaring ito,” dagdag ni Tulfo.
Suportado rin ni Tulfo ang mga regulasyon sa pagpapataw ng bill deposits na kamakailang inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC).
- Latest

















