P10 milyong natangay ng 2 holdaper sa pawnshop
MANILA, Philippines — Umaabot sa P10 milyong halaga ng mga alahas ang natangay makaraang holdapin ng dalawang armadong lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang isang pawnshop sa Brgy. Balibago, Sta Rosa City, Laguna, nitong Martes ng gabi, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Sta. Rosa City Police, naganap ang insidente habang nagsasagawa ng inventory ang mga empleyado at magsasara na ang ng nasabing pawnshop.
Bigla umanong dumating ang dalawang suspect na sinabihan ng mga empleyado ng pawnshop na tapos na ang ‘business hours’ pero isa sa mga ito ang biglang naglabas ng baril sabay deklara ng holdap.
Walang nagawa ang mga empleyado rito dahilan mga armado ang mga suspect kung saan ay ikinulong pa ang mga ito sa staff room.
Agad namang nilimas ng mga suspect ang mga alahas na nagkakahalaga ng P10 milyon at P30,000 cash na kinita ng establisyemento.
Ilang saglit pa ay mabilis na tumakas ang mga holdaper tangay ang kinulimbat ng mga ito sa pawnshop.
Pinaniniwalaan namang ang mga suspect ang nasa likod ng mga holdapan sa mga establisyemento sa nasabing lalawigan.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad sa kasong ito upang masakote ang mga suspect. Patuloy rin ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest
















