‘ALICE’ tandaan sa oras ng emergency – NCRPO

MANILA, Philippines — Hinikayat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko sa Metro Manila, lalo na ang mga estudyante, guro at school personnel, na maging pamilyar sa ‘ALICE’ bilang gabay sa mabilis at maayos na pagtugon sa oras ng active shooter incident at iba pang emergency.
Ayon kay NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano, mahalaga ang kahandaan at presensya ng isip upang makapagpasya nang tama sa mga unang minuto ng isang insidente. Ang ALICE na nangangahulugan ng Alert, Lockdown, Inform, Counter at Evacuate, ay gabay at nagbibigay ng iba’t ibang sistema depende sa sitwasyon.
Kabilang dito ang pagtukoy sa banta, agarang pagbibigay ng impormasyon, pag-lockdown kung hindi ligtas na lumikas, pakikipag-ugnayan sa Unified 911 at paglikas sa ligtas na lugar kapag may pagkakataon.
Nilinaw ni Abrahano na ang Counter ay huling opsyon sakaling agaran ang kinakaharap na panganib at wala nang ligtas na paraan upang makatakas. Maaaring gumamit ng ingay, galaw, distraction at mga bagay na nasa paligid upang maantala ang attacker at magkaroon ng pagkakataong makalayo.
Binigyang-diin ni Abrahano na hindi dapat ituring ang ALICE bilang mahigpit na pagkakasunod-sunod ng mga hakbang dahil nakadepende sa aktuwal na sitwasyon ang pinakamainam na tugon. Pinayuhan din niya ang mga paaralan at iba pang institusyon na maging pamilyar sa evacuation routes, ligtas na lugar at mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa awtoridad.
- Latest
















