Lifetime ban sa driver na nang-rape ng pasahero
MANILA, Philippines — Habambuhay nang hindi makakapag maneho ang driver ng GSM taxi na humalay sa kanyang pasahero noong alas-3 ng madaling araw ng September 12 ngayong taon.
Ito ay makaraang bawiin ng Land Transportation Office (LTO) ang GSM driver ng lisensiya at tuluyang hindi na iisyuhan pa ng driver’s license.
Sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ng resolusyon laban sa isang GSM taxi driver na nasangkot sa panghahalay sa kanyang pasahero.
Sa isinagawang imbestigasyon at pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID), kinumpirma ng driver na siya ang nagmamaneho ng naturang taxi noong Setyembre 12, 2026, bandang alas-3 ng madaling-araw.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, inamin din ng driver na nagkaroon ng sekswal na aktibidad sa loob ng kanyang sasakyan.
Batay sa mga natuklasan ng LTO, idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang driver. Napatunayan din na lumabag ang operator sa mga kasong Breach of Franchise at Employing a Discourteous Driver.
Nananatili namang nasa ilalim ng alarm status ang naturang sasakyan, bilang bahagi ng kaukulang aksyon ng LTO kaugnay ng kaso.
Binigyang-diin ng LTO na mananagot ang mga driver at operator na mapatunayang sangkot sa anumang uri ng pang-aabuso o paglabag, lalo na kung nalalagay sa panganib ang seguridad at kapakanan ng mga pasahero.
Hinihikayat din ng ahensiya ang publiko na patuloy na iparating ang anumang pang-aabuso o iregularidad upang agad itong maimbestigahan at maaksyunan alinsunod sa batas at mga umiiral na regulasyon.
- Latest




















