Soberenya ng Pinas ‘di dapat diktahan ng China
MANILA, Philippines — Hindi dapat hayaan ng Pilipinas na ang mga insidente sa dagat ang magtakda ng kilos sa sariling maritime zones, ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng ABKD, PADER, LIPI, at FDNY.
Tinukoy niya ang panggigipit ng China Coast Guard (CCG-21585) noong Setyembre 18 sa West Philippine Sea, na nagdulot ng panganib sa sakay ng BFAR vessel BRP Datu Magat Salamat. Aniya, sibilyan at makatao ang misyon ng barko at hindi dapat ilagay sa peligro ang buhay ng tripulante.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), dalawang beses nagmaniobra ang CCG bago bumangga sa BFAR vessel sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, malapit sa Abad Santos (Bombay) Shoal. Nasira ang railings at ilang estraktura ng barko.
Itinanggi naman ng China ang bersyon ng Pilipinas.
Giit ni Goitia, mahalaga ang objective evidence gaya ng galaw ng barko, komunikasyon, at video recordings. “Maaaring kumpunihin ang barko, maaaring imbestigahan ang insidente. Ngunit walang panggigipit o banggaan ang makapagbabago sa lehitimong maritime rights ng Pilipinas,” aniya.
- Latest


















