21 senador lang puwedeng bumoto sa impeachment - Carpio

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni retired Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio na dalawampu’t isa lamang na senador ang kuwalipikadong bumoto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Carpio sa isang panayam na hindi dapat isama sa denominator para sa two-thirds voting threshold na kinakailangan upang mahatulan ang isang impeached official ang mga senador na nakakulong o hindi pa nakapanumpa.
“Kapag namatay ka na o natanggal ka na sa puwesto, o suspendido ka dahil kinasuhan ka sa Sandiganbayan dahil sa anti-graft o anti-plunder acts, awtomatiko kang suspendido,” aniya.
Nakadepende aniya ang denominator sa mga senador na kwalipikadong bumoto.
Nagpasya na aniya ang SC na kapag ang isang opisyal ay “preventively suspended” dahil sa isang non-bailable offense hindi na niya maaaring gampanan ang kanyang pampublikong tungkulin.
“Ganoon din ang mangyayari kina Sen. Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada. Hindi sila maaaring pumasok sa pampublikong tanggapan at sa ilalim ng anti-graft law, at anti-plunder law, awtomatiko at mandatoryong sinususpinde sila sa kanilang puwesto,” pahayag ni Carpio.
Ang problema naman aniya kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi ito nakapanumpa.
“Nakasaad sa Constitution na kapag nagsisilbi bilang senador-hukom, kailangan nilang manumpa. Kailangan ay nasa ilalim sila ng panunumpa. Hindi siya nakapanumpa,” dagdag niya.
Si Senator Rodante Marcoleta ay nakakulong kaugnay ng P75-milyong plunder case, habang nakakulong naman si Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng P573-milyong plunder charge at patuloy na nagtatago si Dela Rosa mula noong Mayo 14 nang tangkaing ihain sa kanya ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
- Latest



















