4 patay sa sunog sa Quezon City E-bike na-overcharge

MANILA, Philippines — Apat na magkakapamilya kabilang ang dalawang senior citizen ang namatay sa sunog na sumiklab kamakalawa ng hapon sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Roberto, 64; Alona, 61; Mercedes Aquino, 31 at isang 17-anyos habang sugatan naman si Angelo Aquino, 41 pawang mga residente ng Silverplace Apartment, Road 14, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD) isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa bahay ng mga biktima bandang alas 4 ng hapon nitong Martes.
Ayon sa pahayag ng saksing si Ian Lopez, agad siyang lumabas nang makarinig ng pagsabog hanggang sa makita niyang nasusunog na ang bahay ng mga biktima. Nagtulung-tulong silang mga magkakapitbahay at sinubukang apulahin ng fire extinguisher ang apoy subalit patuloy ang paglagablab ng sunog.
Nagawa namang makalabas ng bahay si Angelo na agad na dinala sa East Avenue Medical Center (EAMC) para sa medical treatment.
Bandang alas-5:05 nang hapon nang ideklarang fireout ang sunog at natagpuan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima sa ground floor ng apartment.
Isa sa mga posibleng pinagmulan ng sunog ay ang electric scooter na umano’y na-overcharge
“Na-trap sila sa ground floor. Na-suffocate sila ng usok. Sobrang usok na kasi nung nangyari. Saglit lang naman siya kaya lang napakabilis talaga ng apoy. Posibleng nangyari, yung sa e-bike charger, maaari siguro yun ang naging cause kaya lumaki agad yung sunog,” ayon kay Bernardo Asistorga, Brgy. Bahay Toro Public Safety Officer.
Nakalagak ang mga labi ng mga nasawi sa Cinco Estrella Funeral Homes.
- Latest


















