Co tiniyak na maiuuwi mula France

Kahit walang treaty - Ombudsman
MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maipapabalik sa bansa si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kahit walang umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at France.
Ayon kay Remulla, nagpapatuloy ang groundwork ng Office of the Ombudsman para sa nakatakdang biyahe niya patungong France.
“Ang dapat diyan, bago ka umalis, paghandaan mo muna ‘yung biyahe mo. Dapat may schedule ka na maganda para hindi masasayang ang oras, hindi masasayang ang biyahe,” ani Remulla sa kanyang programa sa radyo.
Dagdag pa niya, “Ang issue rito, wala tayong extradition treaty sa France. Pero hindi naman nangangahulugan na hindi natin puwedeng iuwi ‘yan.”
Kabilang sa mga hakbang ang pakikipagpulong sa Financial Action Task Force (FATF) at European Union (EU), gayundin ang koordinasyon ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Interpol. Kasama rin umano sa biyahe ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sinulatan na rin ni Remulla ang French ambassador para sa posibleng pagpupulong sa loob ng susunod na sampung araw.
“Ang solusyon dito… kakausapin namin ang embassy para ma-set up ‘yung mga meetings na kinakailangan namin. Kailangan naming kausapin ang FATF… ‘yan po ang nagbibigay ng rules sa buong mundo tungkol sa money laundering,” paliwanag niya.
Aniya pa, mahalaga ring kausapin ang EU dahil posibleng lumipat si Co sa ibang bansa sa loob ng European Union.
- Latest



















