5 Indian timbog sa pagdukot sa kababayan sa Las Piñas
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang limang Indian national na sangkot sa kaso ng kidnap for ransom sa kanilang kababayan na isang medical student sa Las Pinas City.
Ayon sa PNP-AKG, dinukot ang 24 anyos na biktima bandang alas-6:25 ng gabi noong Setyembre 3, 2026. Kinabukasan, bandang alas-2:50 ng hapon, ini-report ng kanyang kapatid sa pulisya ang insidente matapos makipag-ugnayan ang mga suspek sa pamilya at humingi ng ransom.
Dahil sa pangamba sa kaligtasan ng biktima, unang nagpadala ang pamilya ng 80,000 Indian rupees sa dalawang magkahiwalay na bank transaction, bago muling inutusan ng mga kidnaper na ideposito ang natitirang ransom sa isang ATM sa Las Piñas.
Bandang alas-2 ng madaling araw noong Setyembre 5, humingi ng tulong sa PNP-AKG ang Las Piñas City Police Station at mga complainant, dahilan para agad ilunsad ang rescue operation kasama ang Southern Police District (SPD).
Nasagip nang ligtas at walang sugat ang biktima sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Brgy. Pamplona Tres, Las Piñas City, habang nadakip naman ang limang suspek na pawang mga Indian national.
Kinasuhan sila ng kidnapping for ransom at serious illegal detention sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Department of Justice sa Padre Faura, Ermita, Manila.
- Latest



















