Tiyahing pulis sa Tacloban shooting sibak

MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (Napolcom) en banc si PSSgt. Arla Ray Paciencia matapos mapatunayang nagkasala ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilang iba pa.
Ayon kay Napolcom Commissioner Rafael Vicente Calinisan, iniwan ni Paciencia sa kanilang bahay ang kanyang 9mm service firearm kahit naka-duty siya sa Regional Finance Service Unit 8 nang mangyari ang insidente.
Sa halip na ilagay sa safety vault alinsunod sa mga patakaran ng Philippine National Police (PNP), itinago lamang ang baril sa isang plastic gun box na nasa loob ng plastic cabinet hanggang sa nakuha at nagamit ng kanyang menor-de-edad na pamangkin sa nasabing pamamaril.
Iginiit ng Napolcom na ang kapabayaan ni Paciencia sa pag-iingat ng baril na ipinagkatiwala sa kanya ng gobyerno ay nagbunsod sa mga pangyayaring humantong sa trahedya.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipapataw kay Paciencia ang forfeiture of benefits at habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Calinisan na mahigpit na pananagutan ng bawat pulis ang wastong pag-iingat sa kanilang mga service firearm upang maiwasang magamit ang mga ito sa mga krimeng naglalagay sa panganib sa buhay ng publiko.
Samantala, tinanggal na rin sa serbisyo si PCpl Simeon Dimaala Suan na napatunayang guilty sa kasong multiple administrative charges kabilang na ang 2 counts ng Less Grave Misconduct, 2 counts ng Grave Misconduct, Oppression, at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Ang hakbang ay may kinalaman sa pananakit sa isang 76-anyos na senior citizen sa isang away sa trapiko.
- Latest


















