Lacson: Flood control probe huwag madaliin, harangin

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat maging maingat, sistematiko at masinsinan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, kasunod ng patutsada ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na tila “striptease” ang unti-unting paglalabas ng mga alegasyon laban sa kanya.
Ayon kay Lacson, ipinapakita lamang ng pahayag ni Cayetano ang umano’y kawalan nito ng kaalaman sa paraan ng pag-iimbestiga sa mga kumplikadong kaso ng korapsyon, partikular sa mga anomalya sa flood control.
Nauna nang sinabi ni Cayetano sa kanyang Facebook Live na ang mga ibinubunyag ni Lacson hinggil sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig at mga posibleng iregularidad sa mga ito ay “like a striptease” na walang tunay na ebidensya.
Nagsumite na si Lacson at ng kanyang team sa Office of the Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies, kalakip ang mga opisyal na dokumento na naglalahad ng “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure projects.
Sinimulan na ng Office of the Ombudsman ang fact-finding investigation hinggil sa mga alegasyon na may kinalaman sa mga proyekto sa Taguig.
- Latest


















