Pulis, 5 pa timbog sa pagnanakaw ng kable
MANILA, Philippines — Arestado ang anim na katao, kabilang ang isang aktibong police master sergeant, dahil sa umano’y pagnanakaw at pagsunog ng mga kable ng PLDT
sa Sampaloc, Manila kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “June”, 42, aktibong pulis na nakatalaga sa MPD-Sta. Mesa Police Station 8; “Mitch”, 33; “Jay”, 41; “Angel”, 29; “Jess”, 38; at “Rey”, 36, pawang residente ng Sampaloc, Maynila at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10515 o The Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
Ayon sa Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District (MPD), dakong alas-2:05 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa Buenos Aires, malapit sa kanto ng Pelaez St.
Nagsimula ang operasyon matapos mag-viral ang CCTV footage na iniere ng TV5 “Frontline Pilipinas” na nagpapakita sa umano’y pagnanakaw ng PLDT cables sa Domingo Santiago St. corner Mindanao Ave. Sa validation ng pulisya, natukoy ang ilan sa mga suspek at tatlo sa kanila ang naaktuhang sinusunog ang mga ninakaw na kable.
Kalaunan, itinuro ng mga naarestong suspek ang iba pa nilang umano’y kasabwat na agad ding dinakip. Sa beripikasyon ng MPD, nakumpirmang isa sa anim na suspek ay aktibong pulis. Nakapiit na ang mga ito at inihahanda ang kaukulang mga kaso.
- Latest























