Dapat may transparency sa pagpresyo ng krudo – Tulfo
MANILA, Philippines — Tumindig si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na amiyendahan na ang lumang Oil Deregulation Law upang obligahin ang transparency sa pagpepresyo ng mga oil companies sa Pilipinas.
“Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad,” pahayag ni Tulfo.
Ayon kay Tulfo na palalakasin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa mga kumpanya ng langis na matagal nang sinisigaw ng transport sector na umiiyak sa walang habas ‘yung pagtataas ng presyo ng krudo na hindi maipaliwanag ng maayos.
Iginiit din ng Senador na maituturing na pabigat sa mga Pilipino ang kasalukuyang bersyon ng Oil Deregulation Law na inihalintulad sa epekto ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Dahil sa mga lumang batas na ito, ang mga system loss ay ipinapasa sa mga mamimili. Alam na alam ng mga kumpanya ng kuryente na kailangan nilang i-upgrade ang kanilang sistema, ngunit pinabayaan lang nila itong masira dahil madali lang naman nilang maipapasa ang singil ng system loss sa publiko,” giit ni Tulfo.
Ipinaglaban ng Senador na bagama’t sinasabi ng mga kritiko na barya lamang ang maitatapyas ng mga repormang ito sa presyo ng bilihin, malaking bagay pa rin ang bawat pisong matitipid para sa mga karaniwang pamilyang Pilipino na naiipit ng inflation.
- Latest

















