Olazo umupo bilang bagong QCPD chief
MANILA, Philippines — Pormal nang umupo bilang bagong hepe ng Quezon City Police District (QCPD) si PBGen. Christopher F. Olazo matapos ang turnover ceremony noong Biyernes, Agosto 28, kung saan pinalitan niya si PBGen. Randy Glenn Silvio.
Pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) officer-in-charge Police Brig. Gen. Christopher N. Abrahano ang seremonya na ginanap sa QCPD Hinirang Social Hall sa Camp Karingal, Quezon City. Dumalo rin sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, NAPOLCOM Vice Chairperson Rafael Calinisan, Congressman Ralph “Raffy” Tulfo, at iba pang opisyal.
Sa kanyang unang mensahe bilang QCPD director, nangako si Olazo na pamumunuan ang distrito sa pamamagitan ng pagiging huwaran, pagpapanatili ng pananagutan, at pagsusulong ng propesyonalismo upang mapanatili ang seguridad sa lungsod.
Binigyang-diin ni Olazo na patuloy na pagtutuunan ng QCPD ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, mabilis na pagtugon sa krimen, at pagbibigay ng maayos at accessible na serbisyo sa mga residente ng Quezon City.
Bago italaga bilang QCPD chief, humawak si Olazo ng iba’t ibang posisyon sa Philippine National Police, kabilang ang pagiging hepe ng pulisya ng Bacoor City at Taguig City, QCPD battalion commander, Cavite provincial director, at senior police assistant ng kalihim ng DILG.
Tiniyak naman ni Mayor Belmonte ang suporta sa pamumuno ni Olazo.
- Latest


















