Lifestyle check sa 107 government execs ikinasa
MANILA, Philippines — Isinailalim ng Office of the Ombudsman ang 107 opisyal ng gobyerno sa lifestyle check, bilang pagtupad sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng masusing pagbusisi sa yaman ng mga opisyal matapos pumutok ang isyu ng mga ghost projects sa flood control.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa budget briefing ng ahensya sa House Committee on Appropriations nitong Martes, mas marami pang opisyal ang isasailalim sa pagsusuri, partikular mula sa mga income-generating agencies gaya ng Bureau of Customs, Land Transportation Office, at Bureau of Internal Revenue.
Noong panahon ni dating Ombudsman Samuel Martires, itinigil ang nakagawiang lifestyle checks dahil ang pamantayan lamang noon ay ang pagkakaroon ng disente at maayos na pamumuhay ng isang kawani ng gobyerno. Sa ilalim ni Remulla, muling ipinatupad ang mas mahigpit na pagsusuri.
Sinabi ni Remulla na sisiyasatin ng kanyang tanggapan ang building project ng Bureau of Immigration na halos 12 taon nang ginagawa at may halagang P8 bilyon. Ayon sa Department of Budget and Management, higit P7 bilyon ang inirekomendang budget para sa 2027, ngunit humiling pa ang BI ng karagdagang P6.853 bilyon, karamihan para sa pagbili ng bagong gusali.
Ang Ombudsman ay humihirit ng P7.23 bilyong pondo sa ilalim ng P7.2 trilyong 2027 national budget na mas mataas sa P6.42 bilyon sa 2026.
- Latest


















