EDITORYAL — Maayos na pamamahala sa baha sa MM, kailangan!
ILANG linggong sinalanta ng pag-ulan dulot ng habagat ang Metro Manila at maraming probinsiya. At gaya nang dati, naharap sa malaking problema ang bansa: perwisyong baha! Maraming nasirang ari-arian at may mga namatay dahil sa baha at pagguho ng lupa.
Sa nangyaring ito, inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. ang planong pag-aralan ang pagtatayo ng underground cisterns sa 30 lokasyon sa Metro Manila. Ginawa niya ang anunsiyo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) command center.
Layunin ng mga cistern na magsilbing pansamantalang imbakan ng tubig-ulan upang mabawasan ang pagbaha sa mga lugar na madaling lumubog sa tubig.
Kapansin-pansin ang ganitong hakbang dahil karaniwan nating iniisip ang flood control sa isang paraan lamang: kung paano pinakamabilis na mailalabas ang tubig baha.
Patuloy naman ang ibang hakbang ng pamahalaan, kabilang ang paglilinis at pagpapalawak ng drainage systems, dredging ng mga ilog at waterways, at paggamit ng pumping stations.
May mga mobile pump din na maaaring ilipat sa mga lugar na higit na nangangailangan. Pero habang nagbabago ang panahon at mas madalas nating nararanasan ang matitinding pag-ulan, baka panahon na ring baguhin ang paraan ng pagtingin natin sa tubig-ulan.
Hindi lamang ito problemang kailangang itulak palayo sa mga komunidad. Maaari rin itong maging resource na kailangang pamahalaan.
Kung maayos na makokolekta at maiimbak ang tubig, maaari itong magamit sa mga gawaing hindi nangangailangan ng malinis na inuming tubig.
Sa ganitong paraan, ang flood-control strategy ay hindi lamang tungkol sa pagpapahupa ng tubig sa kalsada. Maaari rin itong maging bahagi ng mas malawak na water-management system ng lungsod.
Siyempre, hindi sapat ang underground cisterns lamang. Kailangan pa rin ang maayos na drainage, pumping stations at regular na maintenance. Kailangan ding tiyakin na ang mga proyekto ay maingat na pinag-aralan at akma sa aktuwal na pangangailangan ng bawat lugar. Ngunit dapat ang pagbabago ng pananaw.
Sa halip na laging isipin kung paano pinakamabilis na aalisin ang tubig, maaari nating pag-isipan kung paano ito kokontrolin, iimbakin at, kung posible, muling gagamitin. Dahil sa isang lungsod na paulit-ulit na binabaha, hindi sapat na pababain ang tubig. Kailangan din na pamahalaan ito nang may maayos at organisadong sistema. Hindi puwede ang tapal-tapal na solusyon. Tiyakin na may malaking itutulong.
- Latest















