Ateneo shooter ginamit PWD ramp para mailusot ang 2 baril — PNP
MANILA, Philippines — Upang makaiwas sa regular na security check ay posibleng sinadyang ginamit ng Grade 9 na shooter sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) ang PWD ramp para mailusot nito ang dalawang dalang baril.
Ito ang ipinahayag ni Zamboanga City Police Office (ZCPO) Director Col. Fidel Fortaleza Jr., na ang suspek ay pumasok sa campus, alas-7:44 ng umaga sakay ng pick-up at ibinaba sa ramp area.
Kaya hindi na dumaan sa regular na inspeksyon sa main entrance at dito umano naipasok ang bag na naglalaman ng dalawang pistolang ginamit sa pamamaril.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, sinabi ni Fortaleza na walang security check sa ramp bagama’t may mga guwardiya sa pangunahing gate.
Sinabi ni Fortaleza na isa ito sa mga indikasyong may intensyon ang suspek na ipuslit ang mga baril at isagawa ang pamamaril.
Una nang naiulat na pag-aari ng ama ng suspek ang mga baril at naiwan umano sa sasakyang ginamit sa paghatid sa kanya sa paaralan.
Nabatid na unang nagpaputok ang suspek sa Room 405 sa fourth floor ng junior high school building bago lumipat sa Room 404, kung saan tinamaan ang Grade 10 student at nasawi.
Makalipas ang ilang minuto umakyat ito sa fifth floor at nasaksihan pa ito ng mga rumespondeng pulis at pinababa ang armas, subalit hindi nakinig at binaril ang sarili.
- Latest




















