EDITORYAL — Paulit-ulit na karahasan sa mga paaralan
KAMAKAILAN lamang may naganap na karahasan sa mga paaralan sa Las Piñas City, Davao de Oro at Gen. Trias, Cavite at meron na namang karumal-dumal na nangyari. Sunud-sunod na tila ba wala nang katapusan ang mga karahasan sa loob ng paaralan.
Noong Martes (Agosto 18), naganap ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga City. Dalawa ang namatay: isang 10th grader at ang suspek na estudyante rin ng nasabing eskuwelahan.
Bagama’t magkakaiba ang detalye ng bawat insidente sa mga paaralan, malinaw ang pattern: may lumalalang problema sa school safety, mental health at bullying sa Pilipinas.
Hindi ito simpleng usapin ng kakulangan sa batas dahil nariyan naman ang Anti-Bullying Act, Safe Spaces Act, at child protection policies. Pero ang tanong ay kung epektibo ba ang pagpapatupad at kung may sapat na tao at sistemang nakakakita ng warning signs bago pa mauwi sa karahasan.
Sa ilang paaralan, iisang guidance counselor lamang ang humahawak sa 500 o higit pang estudyante, isang tao para sa daan-daang kabataang may sari-saring pinagdaraanan tulad ng depresyon, problema sa bahay, at bullying. Hindi sapat ang ganitong setup.
Magandang hakbang ang pag-apruba sa budget sa pagkuha ng 4,000 bagong guidance counselors, ngunit huli na itong nabigyang-diin dahil sa sunud-sunod na insidente. Dapat noon pa ito naging prayoridad.
Hindi rin dapat sa counselors lamang nakaasa ang solusyon. Kailangan ng buong school-based detection system: mas mapagmasid na staff, anonymous reporting channels, at regular emotional check-ins para matukoy ang mga estudyanteng nangangailangan ng tulong.
Mahalaga rin ang papel ng mga magulang sa pag-iingat ng mga delikadong bagay sa bahay at sa pagseryoso sa pagbabago ng ugali ng anak.
Ang kailangan ay malinaw na sistema, hindi reaksiyon sa trahedya. Ang paaralan ay dapat ligtas na espasyo ng pagkatuto at hindi takot. Ang malasakit ay hindi dapat nagsisimula pagkatapos ng insidente, kundi bago pa ito mangyari. Pagtuunan sana ng pansin ang problemang ito bago pa may mangyari na namang karahasan. Maraming nadadamay at nasasayang na buhay.
- Latest

















