14 biktima ng human trafficking, nasagip sa NAIA at Clark
MANILA, Philippines — Labing-apat na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking ang nailigtas ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Clark International Airport (CIA) Terminal 2 noong Agosto 8 matapos umanong ma-recruit para magtrabaho sa Russia.
Anim na lalaki, edad 40 hanggang 50, ang nasagip sa CIA matapos magtangkang bumiyahe patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific. Una nilang sinabi na magbabakasyon sila kasama ang mga dating kasamahan sa militar, ngunit kalaunan ay inamin nilang papunta sila sa Russia para magtrabaho kapalit ng USD 3,000 buwanang suweldo.
Samantala, walong iba pa—anim na lalaki at dalawang babae na edad 30 hanggang 50—ang hinarang sa NAIA habang sasakay sa Cebu Pacific flight patungong Singapore. Sinabi ng mga ito na business trip ang kanilang pakay, ngunit natuklasang papunta rin sila sa Russia kung saan inalok sila nang mataas na sahod at Russian citizenship.
Kasama rin sa flight ang isang lalaki at isang babaeng umano’y facilitator ng grupo. Ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang 14 na biktima at dalawang pinaghihinalaang recruiter para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
- Latest




















