3 araw na basura sa Baclaran katumbas ng 3 linggo - MMDA

MANILA, Philippines — Katumbas ng tatlong linggong basura ang nakolekta sa loob lang ng tatlong araw sa Redemptorist Water Channel sa Baclaran, Parañaque matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan na dala ng Habagat nitong nakalipas na lingo.
Ito naman ang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicholas Torre III na ang dami ng basurang nakolekta mula sa daluyan ng tubig at sa pumping station ay hindi lamang nanggaling sa nabanggit na lungsod kundi mayroon ding mga lambat sa pangingisda, kawayan, torso at iba pang basura, na indikasyong napadpad lang mula sa kalapit na lugar. Bago ang Redemptorist, 1,000 tonelada ng basura ang nakolekta mula sa pumping station at water channel,” pahayag ni Torre sa Super Radyo dzBB nitong Linggo.
Naging viral ang Redemptorist Water Channel o Baclaran River, na natakpan ng tambak ng basura mula sa Manila Bay ang tubig patungo sa mga daluyan ng tubig sa Parañaque.
Ani Torre, dapat na sumunod ang publiko sa tamang pagtatapon ng basura na itinakda ng mga lokal na pamahalaan, dahil umaabot sa 10,000 tonelada ng basura ang nakokolekta sa Metro Manila araw-araw.
Kaugnay nito naglagay ng mas matitibay na trash traps sa bahagi ng Aseana Redemptorist upang hindi na muling maanod ang mga basura sa Redemptorist Water Channel tuwing malakas ang ulan.
Plano na ng administrasyong Marcos na magtayo ng mga waste-to-energy facility, na makakatulong sa pagbawas ng basura at paglikha ng enerhiya, sa pamamagitan ng steam na magpapatakbo ng turbine generator ng kuryente.
Samantala, nanawagan ang environmental group na BAN Toxics para sa pagsusuri at mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Binanggit ng BAN toxics na batay sa Compendium of Philippine Environmental Statistics noong 2025, mayroon lamang 20,458 materials recovery facilities ang Pilipinas sa kabila ng mahigit 42,000 barangay.
- Latest






















