AHW kinuwestiyon ang bagong DOH Transition Team
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng Alliance of Health Workers (AHW) ang komposisyon ng bagong Transition Team ng Department of Health (DOH) dahil sa presensya umano ng ilang health officials na nagsilbi noong administrasyong Duterte.
Batay sa Personnel Order No. 2026-5436, itinalaga bilang lead si Lorra Angelia D.C. Sayson-Garcia, kasama sina Fatima P. Laperal, Devon Ray Pacial at Rhys Abraham Ybiernas. Ayon sa AHW, ilan sa mga ito ay may naging posisyon sa DOH noong nakaraang administrasyon, kabilang si Laperal na nagsilbing opisyal sa IATF Secretariat noong COVID-19 response.
Nangangamba ang AHW na maaaring maimpluwensiyahan ng dating mga polisiya ang direksiyon ng DOH sa ilalim ni Health Secretary Dr. Edwin M. Mercado, na dating PhilHealth President and CEO. Iginiit ng grupo na dapat unahin ang government hospitals, public health programs, kapakanan ng health workers, at sapat na gamot at pasilidad.
Samantala, nakasaad sa Personnel Order na may “coordinative and advisory role” ang Transition Team, kabilang ang turnover ng mga dokumento at responsibilidad at paghahanda ng briefings para sa kalihim. Hinamon naman ng AHW si Mercado na tiyaking mananatiling nakatuon ang DOH sa pampublikong kalusugan at hindi sa interes ng pribadong sektor.
- Latest
























