Nobyo nanutok ng baril sa selos, arestado

MANILA, Philippines — Arestado ang 45-anyos na lalaki nang tutukan ng baril ang dating kasama sa inuupahang kuwarto dahil sa selos, sa Pasay City, Sabado ng madaling araw.
Nahaharap na sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Article 281 (Grave Threat), at RA 9165 Section 11 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si alyas “Mateo,” residente ng Barangay 192, Pasay City, sa reklamo ng lalaking biktima na hindi pinangalanan.
Sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang bumalik ang biktima sa dating tinitirhan nila ng suspek upang kunin ang mga naiwan na gamit at motorsiklo, at doon siya kinompronta ng suspek at tinutukan ng baril.
Nabatid na ang suspek ay nagseselos at galit sa dating kasama sa bahay dahil sa hinalang nakikipagrelasyon ito sa kanyang nobya.
Nasaksihan ang pangyayari ng isang residente na humingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ni Pasay Police chief P/Col. Joselito De Sesto.
Nang balikan ng mga pulis ang bahay ng suspek, kusa naman siyang sumuko hanggang makumpiska sa loob ng kanyang tinutuluyang silid ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at isang bala pa ng .357 magnum.
Nang kapkapan, nakuha rin sa kanyang bulsa ang isang plastic sachet na naglalaman ng 0.14 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P952.00.
- Latest





















