Eala umangat sa No. 18 sa WTA live rankings

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa world rankings.
Bago magsimula ang kampanya nito sa Cincinnati Open, sumampa si Eala sa No. 18 spot sa WTA live rankings.
May kabuuang 2,166 puntos si Eala para sumulong mula sa kanyang dating puwesto na No. 20.
Bumaba ng puwesto sina Jasmine Paolini ng Italy at Ekaterina Alexandrova ng Russia dahilan para umakyat si Eala.
Ito ay matapos mabawas kina Paolini at Alexandrova ang mga puntos na nakuha nito noong nakaraang taon sa Cincinnati at Monterey.
Malaki ang nabawas kay Paolini — 649 puntos — na nakuha nito nang makapasok ito sa finals ng Cincinnati Open noong nakaraang taon.
Kaya naman nalaglag ito sa No. 20 tangan ang 2,124 puntos,
Nahulog naman sa No. 19 si Alexandrova mula sa dati nitong puwesto na No. 18.
Inaasahang mas aangat pa ang puwesto ni Eala kung aabante ito ng husto sa Cincinnati Open na pormal nang nagsimula sa Lindner Family Tennis Center sa Mason, Ohio.
Nakatakdang umpisahan ni Eala ang kampanya nito Sabado ng gabi laban kay Elena-Gabriela Ruse ng Romania sa second round.
Nakasiguro si Eala ng opening round bye matapos makuha ang No. 17 seed sa naturang WTA 1000 event.
Posibleng muling magtuos si Eala at kaibigan nitong si Zeynep Sonmez ng Turkey sa third round.
Kailangan munang maipanalo ni Eala ang laban nito kay Ruse sa second round habang haharap naman si Sonmez kay Amanda Anisimova ng Amerika sa hiwalay na second-round match.
- Latest


















