House prosec: Defense team may delaying tactics

MANILA, Philippines — Nababahala ang House prosecution panel sa panibagong pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos imungkahi ng defense team na ikumpara ang libu-libong records na sakop ng P612.5 milyon confidential funds.
Ayon kay House prosecution legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ipinag-utos ng presiding officer na si Sen. Francis Escudero ang pagkukumpara ng mga dokumento upang mapabilis ang trial bago ipagpatuloy ang testimonya ni COA State Auditor Xylene Mae del Campo.
Sakop ng mga dokumento ang libu-libong liquidation records mula sa Office of the Vice President at Department of Education.
Partikular na binigyang-diin ni Del Campo ang 845 acknowledgement receipts na sumusuporta sa liquidation ng P125 milyon confidential funds na ginamit ng OVP sa loob ng 11 araw (Disyembre 21–31, 2022).
Naunang tumestigo si COA State Auditor Roderick Wamil, na nagsagawa ng audit bago siya lumipat mula sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office noong 2024.
Tumanggi ang depensa na kwestyunin ang authenticity ng 845 receipts at inatasan ng korte ang prosecution at defense na magkumpara ng kopya sa harap ng clerk of court. Layunin nitong gawing common exhibits ang mga dokumento upang mabawasan ang testimonya ni Del Campo.
Ngunit ayon kay Tolosa, sinabi ng depensa na Agosto 14 lamang sila available para sa pagkukumpara. “What purpose would that serve? Dahil today nga naka-schedule dapat ‘yan,” giit niya.
Dagdag pa ni Tolosa, mayroong 16 abogado ang panig ni Duterte at hindi kailangan ang lahat para sa dokumento. “Ayaw kong sabihin na sinasadya nila na i-delay itong proceedings… pero malinaw na nagiging cause ito ng delay,” aniya.
Nakasaad sana kahapon ang pagtutol ng prosecution sa hakbang ng depensa, ngunit dahil kanselado ang trial dulot ng Habagat, ipiprisinta na lamang ito sa susunod na pagdinig ng korte.
- Latest




















