Vargas, isinusulong permanent evacuation centers sa Quezon City

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang agarang pagtatayo ng permanent evacuation centers sa lahat ng distrito ng lungsod upang matiyak ang dignified emergency care sa panahon ng kalamidad.
Inihain ni Vargas, kasama si Councilor Julienne Alyson Medalla, ang Proposed Ordinance No. 23CC-229 o ang “Quezon City Permanent Evacuation Center Ordinance.” Itinatakda nito ang pagtatayo ng climate-resilient centers sa anim na legislative districts ng Quezon City.
Ayon sa ordinansa, ang mga itatayong evacuation centers ay dapat matibay laban sa bagyo at lindol, may family sleeping quarters, may hiwalay na restrooms para sa kalalakihan, kababaihan, at LGBTQ+ community; community kitchens, laundry hubs, at lactation spaces; may on-site medical clinics, ramps, Braille signage; at may pasilidad para sa Persons with Disabilities (PWDs) at senior citizens.
Sinabi ni Vargas na ang pagtatayo ng permanent evacuation centers ay makatutulong upang mabilis na makabalik sa pag-aaral ang mga estudyante, magamit agad ang mga pasilidad ng barangay sa pagseserbisyo matapos ang kalamidad, at maiwasan ang pagsasakripisyo ng edukasyon at serbisyong panlipunan tuwing may sakuna
Kinilala rin niya ang mga detention basins na ipinatayo ni Mayor Joy Belmonte sa iba’t ibang lugar ng Quezon City bilang bahagi ng proactive disaster management.
- Latest






















