Final Four kinumpleto ng Lady Knights

MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Colegio de San Juan de Letran ang Final Four ng 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals matapos talunin ang Enderun Colleges, 21-25, 25-21, 25-14, 14-25, 15-4, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagtuwang sina Judiel Nitura at Reeza Abayon sa fifth set para gabayan ang Lady Knights sa 2-3 record papasok sa Final Four ng torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Laglag ang Lady Titans sa 1-4 marka.
Lalabanan ng Letran ang top-seeded University of Santo Tomas sa knockout semifinals ngayong hapon.
Magtutuos ang College of Saint Benilde at Australian guest team Southern Storm Melbourne sa isa pang semis match sa event na itinataguyod din ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
Tumapos si Abayon na may 17 points mula sa 15 kills at dalawang service aces para sa Lady Knights, habang may 14 markers si Nitura at may 15 points si Joralyn Panangin.
“Ang sinasabi ko lang sa kanila na kung ano ang itinuturo ni coach ‘yun ang dapat gawin at sundin namin. Nag-adjust kami paunti-unti kaya nakuha namin ang panalo,” sabi ni Letran setter Hizki Flores na naglista ng 16 excellent sets para sa kanilang 57 attack points.
Ang game-winning kill ni Panangin ang tumapos sa kanilang dalawang oras at 10 minutong upakan ng Enderun.
Humataw si Althea Botor ng game-high 24 points mula sa 18 kills, tatlong kill blocks at tatlong aces sa panig ng Lady Titans.
Nag-ambag si Aurea Alvero ng 14 markers at may walo at pitong marka sina Jasmine Salvani at Ederlyn Alba, ayon sa pagkakasunod.
Haharapin ng Enderun ang Vietnamese squad Ho Chi Minh City Volleyball Club sa classification round.
- Latest
























