Cambodia kampeon sa SEA V Cup
CANDON CITY, Philippines — Nagtala ng malaking upset win ang Cambodia matapos nilang kalusin ang Indonesia, 25-23, 28-26, 23-25, 22-25, 15-11 at kalawitin ang titulo kagabi sa 6th Southeast Asian Volleyball Cup (SEA V Cup) men’s division na nilaro sa Candon Arena, Ilocos Sur.
Walang naipanalo ang Cambodia nakaraang taon at ngayon ay No. 2 seed lamang sila sa Pool B pero ipinakita nila ang determinasyon na manalo upang mabawian nila ang 2025 SEA V. League second leg champion Indonesia na tumalo sa kanila sa elimination round.
Nakaharap din ng Cambodia at tinalo ang Pool A No. 1 seed na Thailand sa event na suportado ni Candon City Mayor Eric Singson kasama ang Philippine Sports Commission at ang Philippine Olympic Committee.
Kahit nakauna sa unang dalawang sets ay hindi naging madali ang pagsilo ng Cambodians sa korona dahil nasagad sa limang sets ang labanan.
Maagang bumalasik ang Cambodia sa set 5, hinawakan agad nila ang apat na puntos na bentahe upang masiguro ang panalo sa tournament na nakalaan din ang world ranking points.
Samantala, hinataw ng Thailand ang 23, 25, 30-28, 25-20, 28-26 panalo laban sa Vietnam upang ikuwintas ang bronze medal sa five-day first leg tournament.
Bumida sa puntusan si Nadapet Bhinijdee matapos nitong ilista ang 30 points kasama ang 28 kills at dalawang blocks para sa Thailand.
- Latest






















