Legal team ni VP Sara, umiiwas sagutin mga alegasyon – solon

MANILA, Philippines — Ipinamalas umano ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang legal team ang pag-iwas na sagutin ang mga alegasyon sa inihaing Articles of Impeachment ng Kamara sa Senate Impeachment Court, kaugnay ng pagsisimula ng paglilitis sa darating na Hulyo 6.
Ayon kay House trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, gagawin ng kampo ni VP Sara ang lahat ng pagtutol sa proseso at konstitusyonal na isyu upang hindi mabuksan ang mga ebidensya at maharang ang mga testigo.
Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos isapubliko ang 51-pahinang tugon ng kampo ni Duterte sa Articles of Impeachment, kung saan iginiit ng depensa na walang bisa ang proseso dahil umano ito ay isinagawa in bad faith at kulang ang manipesto.
“It only confirms our initial observation that the defense could not provide particular counter-evidence or argument to challenge, even to contest the allegations contained under the Articles of Impeachment,” ani Adiong sa News Forum sa Dapo Restaurant, Quezon City.
Dagdag pa niya, mula pa sa simula ay tinututulan na ng defense panel ang proseso, sa halip na sagutin ang mga katanungan ng taumbayan.
Inaasahan ng prosekusyon na magsumite ang depensa ng tiyak na ebidensya at counter-evidence upang hamunin ang mga alegasyon.
“But then again, the summation of the case that they would like to bring forth, as indicated by that statement, only validates our earlier observation na kulang talaga ’yung kanilang pwedeng mai-offer sa korte,” dagdag pa ng solon.
Samantala, binigyang-diin ni Adiong na ang inilabas na pahayag ng defense panel ay taliwas sa naunang sinabi ni VP Sara na handa siyang harapin ang mga reklamo sa Senate Impeachment Court.
- Latest























