Dayo arestado sa P4 milyong shabu, 2 baril
Baao, Camarines Sur, Philippines — Kalaboso ang isang residente ng Makati City at nahaharap sa patung-patong na kaso matapos maaresto sa buy-bust at makuhanan ng mahigit P4-milyong halaga ng droga at dalawang baril sa Zone-3, Brgy. San Isidro, Baao, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Sinampahan ng kasong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act of 2002 at republic act no.10591 o comprehensive firearms and ammunition regulation act ang suspek na kinilala sa alyas na “Galog,” 32-anyos, residente sa Brgy. East Rembo, Makati City.
Sa ulat ng Police Regional Office 5, dakong alas-3:25 ng hapon ay inilatag ang buy-bust operation laban kay Galog.
Agad inaresto ang suspek nang i-abot sa poseur buyer ang biniling droga na nagkakahalaga ng P60,000 at tanggapin ang buy-bust money. Nang kapkapan ang suspek ay nakuhanan pa ito ng 9 na knot-tied plastic na may lamang shabu na umaabot lahat sa timbang na 700-gramo na nagkakahalaga ng P4.76 milyon. Maliban sa droga, nakuha pa sa suspek ang isang Kalibre 45, isang Kalibre 9mm na baril, magazine, at mga bala ng naturang mga armas.
- Latest





















