Eya-Sisi duo gigiba sa Cool Smashers

MANILA, Philippines – Matinding paluan ang inaasahang ipapakita ng sister teams Creamline at Choco Mucho sa kanilang semifinals match sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series bukas.
Bilang No. 2 team matapos ang elimination, hawak ng Cool Smashers ang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagsagupa sa Flying Titans sa semis sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kaya muling aasahan ng Choco Mucho sina Eya Laure at Sisi Rondina-Rosales para makahirit ng ‘do-or-die’ sa Creamline.
“For me naman, aalalahanin lang namin kung ano ‘yung trabaho na ibinigay sa amin ng coaches. And siyempre, magtatrabaho kami, magpe-perform kami, and hahabaan pa namin ang aming mga pasensya,” ani Rondina-Rosales.
Nakuha ng Flying Titans ang No. 3 spot sa semis matapos patalsikin ang PLDT High Speed Hitters, 25-22, 25-23, 18-25, 25-23, kung saan humataw si Rondina-Rosales ng 21 points, habang may 11 markers si Laure.
“I also think na sa mga games na ito, na-test din kung how we will bounce back sa mga games na back-to-back na talo. Paano rin magtatrabaho kung back-to-back naman ‘yung panalo,” sabi ni Laure.
Winalis naman ng Cool Smashers ang Farm Fresh Foxies, 25-19, 25-18, 25-18, para maagaw ang No. 2 berth kasama ang ‘twice-to-beat’ incentive sa semis.
Tinapos din ng Creamline ang kanilang tatlong sunod na talo kasabay ng pagpigil sa three-game winning streak ng Farm Fresh na uupong No. 4 sa semis katapat ang No. 1 Nxled.
Ito ang unang pagkakataon na muling magtutuos sa playoffs ang Cool Smashers at Flying Titans sapul nang walisin ng Creamline ang Choco Mucho para makuha ang korona ng 2024-25 All-Filipino Conference.
- Latest


















