Perez hinugot ng Choco Mucho

MANILA, Philippines — Idinagdag ng Choco Mucho si veteran setter Ivy Perez sa kanilang lineup bago ang parating na 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour.
“A new playmaker is ready to take flight with the Flying Titans. Ivy Perez is now flying with the Choco Mucho Flying Titans,” pahayag kahapon ng Flying Titans sa kanilang social media post. “Welcome to #UbeNation, Ivy!”
Makakasama ng 31-anyos na si Perez sa setter rotation ng Choco Mucho ni coach Dante Alinsunurin sina Deanna Wong, Alina Bicar at Fil-American Tia Andaya.
Kinuha rin ng tropa sa nakaraang 2026 PVL Draft si dating FEU Lady Tamaraws setter Tin Ubaldo bilang No. 3 overall pick.
Ang Flying Titans ang pang-pitong koponan ng dating National University Lady Bulldog playmaker matapos maglaro para sa Army–Black Mamba, Gerflor, Petro Gazz, Nxled, Galeries Tower at Cignal.
Sina Eya Laure, Sisi Rondina, Maddie Madayag, Dindin Manabat, Kat Tolentino, Isa Molde at Caitlin Viray ang muling babandera sa Flying Titans na tumapos sa pang-pitong puwesto sa nakaraang PVL All Filipino Conference.
Sa offseason ay nahugot ng Choco Mucho si veteran libero Dawn Catindig.
Unang makakatapat ng Flying Titans sa PVL on Tour ang ZUS Coffee Thunderbelles sa Hulyo 11 sa Batangas City.
Magbubukas ang preseason tournament sa Hulyo 8 sa Ilagan City, Isabela.
- Latest





















