EDITORYAL - Kuwait, hindi pinuprotektahan mga Pilipinang domestic worker
Nararapat rebyuhin ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kaugnay sa pinangakong bibigyan ng proteksiyon ang mga Pilipinong worker doon. Sa kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at Kuwait noog Hunyo 2024, sinabi ng Kuwait na makaaasa ang Pilipinas sa proteksiyong ipagkakaloob sa mga OFWs doon. Ang pangako ng Kuwait ang naging daan para muling ibalik ang pagpapadala ng mga Pinay domestic helpers sa nasabing bansa.
Itinigil ang pagpapadala ng mga household workers sa Kuwait noong Pebrero 2023, kasunod ng panggagahasa, pagpatay at pagsunog kay Jullebee Ranara noong Enero 2023. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto. Ang 17-anyos na amo nito ang gumahasa at pumatay kay Ranara. Inaresto at ikinulong ang Kuwaiting amo pero mababa lamang ang inihatol na sentensiya. Hindi rin binayaran ng danyos ang pamilya ni Ranara.
Makaraan ang limang buwan na deployment ban, inalis iyon ng Pilipinas sapagkat nangako at nakipagkasundo ang Kuwait na tutugunan na ang mga may kinalaman sa mga manggagawang Pilipino. Ayon sa Kuwait Interior Ministry bumuo na raw ng isang joint committee kaugnay sa domestic labor affairs.
Subalit anim na buwan makaraan ang kasunduan at pangako, may isang Pinay household workers na naman ang pinatay. Hindi tinupad ang pangakong proteksiyon sa mga Pilipino.
Ang Pinay na pinatay ay nakilalang si Dafnie Mates Nacalaban, 35. Natagpuan ang kanyang naaagnas na bangkay sa bakuran ng isang bahay sa Kuwait. Ang nangyari kay Dafnie ay unang napabalita nang isang kaanak nito ang humingi ng tulong kay Sen. Raffy Tulfo. Nagsagawa ng pag-iimbestiga ang tanggapan ni Tulfo sa nangyari kay Dafnie.
Ayon naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, dalawang buwan nang nawawala si Dafnie nang matagpuan ang kanyang bangkay. Ang itinuturong pumatay kay Dafnie ay si Jarrah Jassem Abdulghani. Hawak na umano ng Kuwait police ang suspect. Ang nakababatang kapatid ng suspect ang nag-report sa mga pulis sa nangyaring krimen, Si Dafnie ay nagsimulang manilbihang household worker noong December 2019.
Patuloy ang pagmamaltrato, pang-aabuso at ang masaklap ang karumal-dumal na pagpatay sa mga Pinay household workers. Hindi natutupad ang pinagkasunduan. Ngayon ay nadagdag na ang pangalan ni Dafnie sa mga pinatay na Pinay workers na kinabibilangan nina Jullebee Ranara, Joanna Demafelis, Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende. Sino pa ang susunod?
Pag-aralan ng pamahalaan kung ititigil na nang tuluyan ang pagpapadala ng Pinay workers sa Kuwait. Kung hindi, marami pang mamamatay na Pilipina.
- Latest