Bagong ebidensiya sa yaman ni VP Sara ilalantad

MANILA, Philippines — Nakatakdang iprisinta ng House prosecution panel ang bagong ebidensya sa paglobo ng kayamanan ni Vice President Sara Duterte na wala sa Statements of Assets Liabilities (SALN) nito at ng kaniyang mister mula 2007 hanggang 2024.
Ito ang isiniwalat ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, miyembro ng prosecution team sa paglulunsad ng Bantay Impeachment sa Claret School sa UP Village sa Quezon City nitong Sabado.
Aniya, naghahanda na ang prosecution panel na isumite ito sa pretrial brief sa Senate impeachment court kung saan dito tutukuyin ang mga ebidensya, testigo at mga isyu sa paglilitis.
“Yung mga particular ebidensya po na ito, mayroong pong mga pag-aari ang pangalawang pangulo at ang kanya pong asawa at doon sa listahan po ng pag-aari ng particular na ahensiya ng gobyerno pero hindi po ito nakatala sa kanya pong SALN submissions sa kahit ano pong taon,” pahayag ni Ridon.
“So from 2007 to 2024 hindi po nakatala ‘yun pong mga pag-aari po na ito,” dagdag pa ni Ridon.
“Ang evidence po na ito kasi hindi po ito nailatag doon sa House prosecution ng proceedings sa Justice Committee, ito po ay bagong-bago. So sa pretrial po ipapasok”, dagdag pa ng solon.
- Latest


















