6 suspek sa pagpatay kay Perry Mariano at driver, kinasuhan ng 2 counts ng double murder
MANILA, Philippines — Pormal nang kinasuhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City Prosecutor’s Office ng 2 counts ng double murder ang anim na suspek sa pagpatay sa negosyante at billiards patron na si Ceferino “Perry” Mariano at kanyang driver na si Norberto Orimaco noong Abril 28 sa Timog Avenue, Quezon City.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kabilang sa mga kinasuhan ang mga suspek na kinilalang alyas “Besa,” “Uno,” “Boy,” “Frapa,” “Bore,” at “Pajo.” Lumitaw sa imbestigasyon na si Besa umano ang bumaril kina Mariano at Orimaco habang sakay ng Yamaha Mio 125S na minamaneho naman ni Uno.
Sinabi ni Silvio na dalawa sa mga suspek ang nagsilbing spotter, isa ang nag-asikaso gunman at driver sa Quezon City, habang isa naman ang nag-book ng Airbnb na tinuluyan ng grupo bago ang insidente. Nakatulong umano ang CCTV footage gayundin ang transaksyon ni Uno sa e-wallet bago ang pamamaril, sa pagtukoy sa mga suspek. Naninindigan ang QCPD sa teorya na may kaugnayan sa negosyo ni Mariano ang motibo sa krimen.
Lumabas din sa ballistic examination na tumugma ang mga bala na narekober sa pagpatay kina Mariano at Orimaco sa mga bala na ginamit umano sa pamamaril sa isang municipal councilor at barangay captain sa Arayat, Pampanga noong Nobyembre 2024.
Sinabi rin niyang si Uno ay pinaniniwalaang dating miyembro ng Philippine Army na natanggal sa serbisyo, ngunit hinihintay pa ang opisyal na beripikasyon.
Samantala, natunton ng mga awtoridad ang Yamaha Mio 125S na umano’y ginamit sa krimen sa isang dating security guard na itinanggi ang anumang pagkakasangkot at sinabing ginamit lamang ang kanyang pangalan sa pagpaparehistro ng motorsiklo.
Nagsampa rin ang QCPD ng reklamo sa paglabag sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo, gayundin kina Besa at Uno.
- Latest




















